UGALI ko nang magising sa pagitan ng 1 a.m. to 3 a.m. para gumamit ng toilet. Pagbukas ko ng pintuan at ilaw ng bathroom ay may “something” na kulay brown akong napansin sa gitna ng sahig. Noong una ay inakala kong tuyong dahon ito na nadala ng aming tsinelas mula sa labas ng bahay. Upang makatiyak ay tinitigan ko ito, anong gulat ko nang makita ko ang “something” na iyon ay may mata at gumalaw-galaw pa. Mula sa inaantok-antok kong diwa ay napagtanto ko na palaka pala ang aking tinititigan. Sa sobrang pagkabigla ay isang matinding sigaw ang aking pinakawalan. Habang nangangatal-ngatal pa ako ay nakuha ko pang maghanap ng plastic container para doon isabog ang laman ng aking pantog. Saan ako iihi? Nakaharang sa pintuan ang “unwelcome guest”. Baka lumundag ito sa akin kandungan habang nakaupo ako sa trono.
Ginising ko ang aking mister. “May palaka sa toilet. Paalisin mo,” sumbong ko na mangiyak-ngiyak ang aking boses.
“Naku baka Prinsesa ‘yun, magalit sa akin!”
Napangiti ako. Corny kasi. Palibhasa ay inaantok pa, hindi niya pinagplanuhan ang paghuli sa palaka. Kumuha ng walis at iniusod ang palaka sa dustpan. Tapos saka pakakawalan sa garden. Naku! Maling diskarte pala. Napakataas palang lumundag ng diyaskeng kokak. Kitang-kita ko nang lumundag ito malapit sa TV set kaya isang makabasag-tonsil na namang sigaw ang aking pinakawalan. Ang galing magtago. Hindi na namin makita kaya natulog muna kami.
“Sobra ka namang sumigaw. Lahat na lang ay kinatakutan mo—daga, palaka, ipis…” sumbat ng aking mister sa akin na may halong kantiyaw.
“Lahat ng nakakadiri, kinatatakutan ko! Kaya kapag kinatakutan na kita, mag-isip ka na.” He-he-he, nakaganti na ako sa kantiyaw niya.
Kinaumagahan, pinagplanuhan namin ang gagawin. Hindi ako matatahimik hanggang hindi napapalabas ng bahay ang palaka. Hindi ko alam ang aking gagawin kung bigla itong mag-apir sa aking paanan habang nagkokompyuter ako. Ayaw naman naming patayin dahil good luck daw kapag pinasok ng palaka ang inyong bahay. Sa kahahanap, nakita rin namin sa wakas ang “unwelcome guest” sa ilalim ng lababo. Isinara muna ng aking mister ang pintuan ng toilet saka dinakma upang kahit lumundag ay wala na siyang kawala. Lumabas sa toilet ang aking mister na nakangisi, hawak-hawak ang tabo na kinalalagyan ng palaka. Inilabas ang “unwelcome guest” at inilagay sa garden. Bahala na siyang mamuhay mag-isa doon.
Simple at nakakatawang karanasan pero nagbigay ito sa akin ng “insight” na applicable sa pang-araw-araw na buhay — planuhin munang mabuti ang mga dapat gawin upang makaseguro ng tagumpay.