“A NONG bahala, Puri?’’ tanong ni Dick. Naguguluhan siya sa sinabi ni Puri ukol kay Jinky.
‘‘Bahala ka na sa kanya. Basta ikaw na muna ang bahala habang nandiyan siya.’’
‘‘Siyempre nandito siya sa apartment ko kaya kargo ko siya. Pero bakit parang kung magsalita ka e matagal ka bago umuwi. Di ba isang linggo ka lang diyan?’’
“Oo. Wala basta nasabi ko lang yun.’’
‘‘Para kasing may ibig kang sabihin kanina.’’
“Wala!’’
“Kumusta ang seminar, Puri?’’
“Ok lang. Masaya. Tiyak na mapo-promote na ako, Dick.”
“Dapat lang. Halos wala ka nang ginawa kundi ang mag-attend ng seminar. Parang ikaw na lang ang matalino at matiyaga sa company n’yo.’’
Nagtawa si Puri.
“Parang enjoy na enjoy ka diyan, Puri. Ang lutong ng tawa mo.’’
“Oo. Enjoy nga ako. Kasi ang sarap ng klima rito. Malamig na malamig.’’
“Sarap kung magkasama tayo. Tamang-tama sana na magkapatong tayo…’’
Pero walang reaksiyon si Puri sa pagbibiro ni Dick. Tila nawala sa linya si Puri.
‘‘Puri ? Andiyan ka pa ?’’
Matagal bago sumagot.
“Puri!’’
“O. Andito pa ako.’’
“Kasi parang nawala ka. Parang natakpan ang cell mo.’’
“Andito ako. Teka...teka..’’
Nawala uli sa linya si Puri. Parang natakpan ang linya.
Maya-maya, nagsalita si Puri.
‘‘Tumawag ka na lang Dick. Tinatawag na ako…’’
‘‘Sinong tumatawag?’’
‘‘Yung ano… yung kasamahan ko. Sige tawag ka na lang bukas…’’
Nawala na si Puri.
Napailing-iling si Dick. May kasama pala si Puri. Di ba siya lang ang representante sa office nila.
Nag-isip si Dick. Baka naman may kasama pala si Puri at hindi na lang nasabi dahil sa pagmamadali nang umalis noon.
Maging sa pagtulog ay naiisip ni Dick si Puri. Dapat lang ma-promote siya dahil marami nang oras ang nagugugol niya sa pag-attend ng seminar. Pati siya ay napapabayaan ni Puri. Kulang na kulang ang oras sa kanya ni Puri.
Nakatulugan ni Dick ang pag-iisip kay Puri.
Madaling araw. Nagising si Dick na may pumipihit sa door knob. Sino kaya? Baka magnanakaw?
Pinabayaan ni Dick. Hindi siya tumayo.
Muli pinihit ang seradura.
Bumangon si Dick para tingnan kung sino ang pumipihit.
(Itutuloy)