Panakot

NARITO ang mga kakila-kilabot na epekto ng paninigarilyo. Karugtong ito ng diskusyon tungkol sa Sin Tax bill.

Ang paninigarilyo ay nagdudulot ng: kakapusan ng hininga, pagkabaog, pagtubo ng mas maraming balahibo sa mukha sa mga kababaihan, pagkakabingi para sa mga batang nakakalanghap ng usok, plema, tagihawat, mas sakitin, madaling magkasipon, mas mahirap makatulog, brain damage, pagkaparalisa ng mga kamay at paa, iregular na pagtibok ng puso, mas matagal maghilom na mga sugat, ulcer, maitim na gilagid, katarata, maagang menopause, biglang pagkalaglag ng sanggol, pagkaulyanin, pagkakalbo, paninilaw ng kuko at mga daliri, osteoporosis o pagrupok ng mga buto sa mga lalaki, mas mahirap tumayo ang ari at nababawasan ang gana sa pakikipagtalik, malalamig na kamay at paa (buhay ka pa pero mistulang bangkay ka na), panunuyot ng bibig, kakulangan ng laway, maagang pangungulubot ng balat, wrinkles, mabahong hininga, sakít sa puso, stroke, kanser sa baga, lalamunan, pantog, tiyan;  bronchitis at pneumonia.

Hindi ka pa nasisindak? Heto. Alam mo bang sangkap din sa sigarilyo ang tar na ginagamit sa paggawa ng aspalto; stearic acid, panggawa ng kandila; cadmium na nasa mga baterya; ammonia na nasa toilet cleaner o panglinis ng inidoro; acetone na pantanggal ng kyutix; panlason din sa daga at butane na nasa lighter.

Isipin mo ngang ang mga iyan ay nalalanghap at inilalagay mo sa bibig mo at pumapasok sa baga mo? Aba eh, talagang ikamamatay mo ang sigarilyo.

Kaya kung mahal mo ang buhay mo at may mga anak ka at gusto mong makita pa silang­ lumaki at makapagtapos at magkapamilya; kung gusto mo pang makalaro ang iyong future apo, itigil mo na iyang paninigarilyo o huwag­ mo nang balakin pang subukan­.

Show comments