Lampong(124)
ISA pa sa ipinagtataka ni Dick ay kung bakit bawal na may kasama ang participant. Hindi naman siya tutuloy sa tirahan ni Puri sapagkat hahanap siya nang titirahan. Ngayon lang siya nakakita ng kompanya na bawal na may kasama ang empleado. Hindi naman siya makakagambala kung sakali ay kung bakit bawal na bawal. Napabuntunghininga muli si Dick.
Sabagay, naisip niya, baka nga naman ganoon ang patakaran ng kompanya nina Puri. Dapat unawain niya si Puri. At kaya naman ito masipag na magdadalo sa seminar ay dahil nga pagbabasehan ng gagawing promotion. Kailangan daw na lagi siyang magdadalo para maging mabilis ang pag-akyat sa puwesto. Kailangan ay masuportahan niya si Puri.
Naalala niya ang bilin ni Puri na inspeksiyunin ang unit nito. Nagdadalawang-isip siya kung itutuloy ang pagpunta sa unit. Baka makita na naman niya sa isang katukso-tuksong anyo si Jinky ay kung ano ang mangyari. Inaamin ni Dick na mula nang masilayan niya ang sariwang katawan ni Jinky ay may maliit na boses na nag-uudyok sa kanyang tikman ito. Kahit daw isang beses lang. Si Jinky naman ang nagpapakita ng motibo.
Pero tumatanggi ang isip niya. Hindi niya maaaring sirain ang pagtitiwala ni Puri. Kapag ginawa niya ang pagpatol kay Jinky, para na ring pinukpok niya ng martilyo ang sariling ulo. Problema ang kanyang makukuha kay Jinky.
Hindi na lang niya pupuntahan ang unit para makaiwas sa haliparot na si Jinky.
Pero hindi na pala niya kailangang puntahan ang unit ni Puri dahil, kinabukasan, dumating si Jinky, karga ang anak.
“Tito Dick, dito muna kami ni baby, ha?”
“Ha, a e teka.’’
“Sige na Tito, pumayag ka na.”
“Alam ba ito ng Tita Puri mo?”
“Hindi, pero itatawag ko sa kanya. Sige na Tito Dick.”
“Teka, nasaan ang yaya ng baby mo?”
“Nagpaalam na uuwi ng probinsiya. Ewan ko kung babalik pa ang matandang iyon. Sige na Tito Dick ha, dito muna kami.”
Napatango si Dick.
(Itutuloy)
- Latest