NAKATANGGAP ng sad news kamakailan lamang ang aking kakilala—si Teddy. Namatay daw ang isang matanda nitong tiyuhin. Nagdadalawang-isip siya kung pupunta siya sa funeral o huwag na lang. Kasi noong nakaraang taon ay namatay ang misis ng tiyuhing ito na agad-agad niyang pinuntahan. Kaso disappointment lang pala ang mararanasan niya.
Sabay-sabay silang lumaki ng mga anak ng tiyuhing ito sa probinsiya. Nagpuntahan lang sila sa Maynila nang magkolehiyo kaya bihira nang magkita simula noon. Kapag magpipinsan at iisa ang nilakihang lugar, kahit pa tatlong dekada kayong hindi magkita ay matatandaan pa rin ninyo ang pagmumukha ang bawat isa. Mahihirapan lang na magkakilala ang magkakamag-anak kung toddlers pa nang huling magkita.
Maraming tao sa funeral nang dumating sila ng kanyang kapatid. Ang anak ng tiyuhin niya ang lumapit sa kanilang kinauupuan sabay bati ng: O, tiyo Inggo, buti’t nakarating ka!
Sa isip lang ni Teddy: “Huwaaaaat…ako daw si Inggo…sino ’yun…at may lumalagutok pang “tiyo”. Ang lokong ’yun, ilang taon lang ang tanda ko sa kanya, huh! Kung makatawag naman ng tiyo, akala mo’y 20 taon ang tanda ko sa kanya.
Nagkatitigan sila ng kanyang kapatid. “Sinong Inggo?”, duet pa sila. Lalo pa siyang nainis nang maisip nilang magkapatid na ang Inggo na maaaring ipinagkamaling siya ay ang matandang (70 plus) caretaker sa bukid ng kanyang tiyo. Humagalpak nang tawa ang kanyang kapatid na may kasamang comment patungkol sa kanilang pinsan : Napakatanga naman niya. Kung si Tatay ang napagkamalan niyang si Tatang Indo, pupuwede pa dahil sila ang magkaedad. Napakapogi mo naman at sosyal para maging si Tatang Inggo.
Ikokorek sana nila ang “katangahan” ng kanilang pinsan pero may tumawag dito at nawala sa karamihan ng mga tao. Hindi na sila nagkausap pa dahil maraming bisita hanggang sa nagpaalam na sila. Iyon siguro ang resulta kapag hindi close ang magpipinsan. Iyon tipong magkikita lang kapag may kasalan o may nakaburol. Ito ang dahilan kaya nagdadalawang isip siya na umatend ulit ng lamay. Baka kung sino na namang uugud-ugod na kamag-anak ang ipagkamali sa kanya. Sa kagaya niyang nasa 50 plus, masakit na sa pride na tanggaping matanda ka na, gaano pa kaya kasakit kung pagkakamalan kang ikaw ang matandang tatang na utusan nila sa bukid?