Matinding sibakan ang naganap sa New Bilibid Prisons (NBP).
Mula sa kanilang mga senior official hanggang sa mga nakadestinong jailguards, aba’y pinagpapalitan. Kabilang sa nalagay sa floating status si NBP Superintendent Ramon Reyes.
Kahapon, nagtalaga na rin ang Department of Justice ng bagong Officer-In-Charge sa Bureau of Corrections na ito ay si NBI Deputy Director Rafael Ragos kapalit ni Parole and Probation Administrator Manuel Co.
Si Co ay matatandaang nagsilbing OIC sa BuCor simula noong Agosto 22, 2012.
Ang lahat nang paggalaw na ito ay dulot naman ng naganap na pagpapasabog ng granada noong nakalipas na Biyernes sa loob mismo ng maximum security compound ng NBP.
Anim katao ang nasugatan sa nasabing insidente.
Kung dati-rati ang naipapasok o nailulusot lamang dito ay mga maliliit na kutsilyo o matutulis na bagay, ngayon magtataka kang naipasok mismo ay granada na nagawa pang maihagis at makapanakit.
Talagang malaking dagok ito at masasabing totoong may kapabayaan o pagkukulang sa seguridad sa loob ng naturang kulungan.
Hindi lang ang kaligtasan ng mga preso ang nakataya rito, kundi lalo ng mga bumibisita na walang kamalay-malay.
Eto pa nga ang nakakaalarma rito, sinasabing banggaan daw ng mga nakadetineng drug lords ang posibleng ugat sa naganap na pagpapasabog. Ibig sabihin, mga preso rin ang sangkot at kapwa nila preso ang target.
Ito ang talagang hindi mawala sa kahit siguro saang kulungan sa bansa, ang mga bosing-bosing na bilanggo na may kanya-kanyang tauhan.
Ang ganitong mga grupo rin ang madalas na pagsimulan ng mga kaguluhan sa loob. Kung dati iba’t ibang gang ang nagbabanggaan na madalas na ugat ng riot, ngayon ay ang mga naghahari-hariang mga may perang bilanggo ang siya ngayong may grupo rito at may mga galamay na nakikinabang sa kanila.
At hindi lang ’yan, siyempre meron din mga kabatak yan mga taga-loob, opisyal man o jailguards na nagbibigay din sa kanilang ng proteksyon.
Hindi rin naman ngayon lang nangyari ang ganito at palaging nauulit na lang kahit nagpapalit-palit pa ng mga tauhan.