MARAMI nang “double-your-money-investment scheme” na nangyari sa nakaraan na pawang ang kinahantungan ay pagbagsak. Paanong hindi babagsak ay napakalaki ng ipinangakong interes --- nasa 30 hanggang 40 percent na ibabalik sa loob ng isang buwan. Saan naman nakakita ng negosyong malaki ang ibabalik at sa loob pa nang maikling panahon. Talagang babagsak dahil wala naman talagang ganoong kabilis na kikita ang ini-invest.
Pero sa kabila na marami nang bumagsak at naitakbong pera ng mga investors, marami pa rin ang hindi natututo. Wala pa rin silang aral na napulot sa mga nangyaring “pyramiding scam”. Pati ang kanilang pera na inipon sa matagal na panahon ay ini-invest sa hindi nila lubos na kilalang grupo o firm. Ang labis na nakaakit sa kanila ay ang malaking interest na kikitain sa loob lamang nang maikling panahon. Masyadong “natakawan” sa malaki at mabilis na paglago ng kanilang pera.
Ganito ang nangyari sa investors ng Aman Futures Group Philippines Inc. na naglahong parang bula ang kanilang pera makaraang ipagkatiwala sa nasabing investment company. Nasa 15,000 ang mga nag-invest sa Aman Futures na kinabibilangan ng mga pulitiko, guro, sundalo, pulis, market vendors at marami pang iba. Lahat sila ay masyadong nahikayat na mag-invest sapagkat malaki nga ang interest na binibigay. Umano’y kumalat ang malaking interest na offer ng Aman Futures. Ang mga nakakubra nang malaking interest ay agad umanong nakabili ng sasakyan, nakapagpagawa ng bahay at nakabili ng kung anu-ano pang mga gamit sa bahay. Pati retirement pay ng isang guro ay ini-invest sa Aman Futures. Ang masakit nang bumagsak ang firm at hindi na mabawi ang pera ng retiradong guro, nagpakamatay ito. Ang ibang investors, sa labis na galit ay ni-ransack ang opisina ng Aman Futures sa Pagadian at kinuha ang mga gamit. Isang ahente naman ng nasabing investment company ang dinukot sa Pagadian at natagpuan ang bangkay sa Zamboanga del Sur.
Kaawa-awa ang mga nabiktima ng Aman Futures. Nararapat kumilos ang gobyerno para agarang madakip ang mga pinuno ng bumagsak na investment company. Hindi dapat pabayaan ang mga nalinlang na investors. Sana mayroon nang matuto pagkaraan nito.