SI Connie Culp, 46, ang kauna-unahang babae sa United States na sumailalim sa face transplant noong 2004. Grabe ang nangyari kay Connie na malayung-malayo ang itsura noong hindi pa siya nababaril sa mukha ng sariling asawa ng nag-ngangalang Thomas. Isang shotgun ang ginamit ng asawa. Sa lakas ng bala na tumama, tanging ang pilikmata, ibabang labi at baba (chin) ang natira sa mukha ni Connie.
Walang sinabing dahilan kung bakit binaril si Connie ng kanyang asawa. Pagkatapos barilin si Connie, ito naman ang nagbaril sa sarili. Dati na umanong nakulong ang lalaki.
Nang unang makita ng mga doctor ang itsura ni Connie halos manlumo sila sapagkat tila wala nang pag-asa pang maibalik ang itsura ni Connie. Sa mga makakakita kay Connie, aakalain na karakter siya sa horror movies. Wala siyang ilong, bibig at mata.
Tatlumpong operasyon ang ginawa ng mga doctor para maibalik ang nawasak na mukha ni Connie. Kumuha sila ng bahagi ng tadyang ni Connie at ito ang ginawang cheekbone. Kumuha ng buto sa leg para ito ang maging pang-itaas na pa-nga. Maraming balat mula sa kanyang hita at binti ang kinuha. Makaraan ang unang operasyon, nanatiling hindi makakain ng solid food si Connie. Hindi rin siya makahinga at makaamoy.
Ang sumunod na operasyon ang naging matagumpay. Tumagal ito ng 22-oras at ang nagsagawa ay si Dr. Maria Siemionow, kasama ang isang team ng doctors. Naisagawa ang 80 percent na paglalagay ng bone, muscles, nerves, skin at blood vessels sa mukha ni Connie.
Ang pinagkunan ng mga nabanggit na bahagi ay mula sa isang babaing kamamatay lamang. Pumayag ang mga kaanak ng babae makaraang makita nila ang itsura ni Connie. Lubos silang naawa kay Connie.
(Hinango sa http://www.oddee.com)