SA isang isyu ng Journal of the American Medical Association, lumabas sa pag-aaral na ginawa nina Dr. Michael S. Lauer (isang professor sa medicine at epidemiology sa Case Western Reserve University) na ang kahirapan ay maaari ring dahilan ng mga sakit o kamatayan. Ipinalalagay na ang kahirapan ay nagdudulot ng stress sa autonomic nervous system, ang bahagi sa ating katawan na kumokontrol sa daloy ng dugo at pintig ng puso. Mahinang kalusugan at hypertension ang isang manipestasyon ng stress na ito. Idinidiin sa pag-aaral ang matagal nang paniniwalang mas malapit sa sakit at kamatayan ang mahihirap na tao kumpara sa mga mayayaman.
Nagpapalubha rin sa sitwasyon ng mahihirap ang kakapusan sa mga pangangailangan para manatiling malusog ang katawan. Totoong mawawalay ang isang tao sa doktor kung kumakain siya ng mansanas araw-araw pero hindi ito kakayanin ng mga karampot ang kinikita o ng mga taong kung kumita man ay uunahin nang bilhin ang sardinas o noodles para sa hapunan. At hindi na nila pag-iisipan kung masama sa katawan o walang sustansya ang kanilang kinakain.
Ang mahalaga’y may maisilid sila sa kanilang sikmura. At hindi na rin bago ang kuwento ng mga nag-uulam ng asin at bagoong sa pananghalian. Sa mga liblib na baryo, karaniwan nang tanawin ang umpukan ng mga magsasakang nag-iinuman ng alak pagkatapos magtrabaho sa bukid dahil iyon lang ang libangan o walang ibang magawa. Sigarilyo rin at alak ang pampaalis ng pagod ng ilang trabahador sa pabrika pagkatapos ng trabaho. Marami rin naman sa mga mayayaman ang nagtataglay ng ganitong mga bisyo pero doble ang masamang epekto ng mga ito sa mga mahihirap dahil magiging problema nila ang pampagamot sa mga karamdamang dadapo sa kanila dahil sa alak at sigarilyo. Duda ako kung nakakadayo rin sa mga gym at nakatikim na ng mga makabagong exercise gadget ang isang tindera sa palengke o ang isang drayber ng pampasaherong jeepney o traysikel o mangingisda. Hindi naman kailangang pumasok sa isang gym para makapag-ehersisyo. Puwede itong gawin sa bahay kahit walang mga gadget. Pero mukhang mahirap mag-eher-sisyo kung marami kayong nakatira sa isang bahay o wala kang sariling bahay. Mahirap talaga ang maging mahirap. Sana, hindi mangyari na may magpapatalastas sa diyaryo at telebisyon at radyo na bawal ang maging mahirap!
• • • • • •
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na rbernardo2001@hotmail.com)