MAKAILANG ulit nang naka-engkuwentro ng mga sumbong tungkol sa pambu-bully ang BITAG.
Nitong nakaraang People’s Day lamang, sa BITAG Headquarters, lumapit sa BITAG ang 14 taong gulang na dalagita kasama ng kanyang lola para humingi ng tulong.
Isinusumbong nila ang kumalat sa internet na pagdidikit ng litrato ng dalagita sa katawan ng isang hayop na maraming dibdib na kagagawan ng mga kaklase ng dalagita. Dahil sa kakatuwang itsura, pinagtawanan at nilait ang dalagita nang magkomento ang iba pa niyang mga kaklase at kaibigan sa lumabas na litrato niya.
Malinaw na isang uri ng pambu-bully ang ginawa ng mga kaklase ng dalagita sa kanya. “Bully” ang bansag sa mga taong nagpapakita o nagpaparamdam ng pagiging dominante sa kaniyang kapwa ng may intensiyong galitin o gawing masama ang pakiramdam nito. Pangkaraniwang nangyayari ang ganitong eksena sa mga eskwelahan, dahil mga kabataan ang may pinakamalaking porsiyento ng may mga kaso ng pambu-bully ayon sa pag-aaral.
Kaya naman nitong nakaraang linggo lamang, isang anunsiyo ang binitawan ng Department of Education upang tuligsain ang “bullying” sa lipunan. Ayon sa DepEd, pinapalano nilang gumawa ng isang maikling pelikula upang buksan ang mata hindi lamang ng kabataan kundi maging ng lahat ng mamamayan sa mga masasamang epekto ng “bullying”.
Paalala ng BITAG sa maglola bago sila umalis sa aming tanggapan na huwag magpaapekto sa mga pinaglaruang litrato niya at sa halip ay huwag na lamang itong papansinin.
Tandaan ang kasabihang “ang pikon ay laging talo.” Dahil sa tuwing nakikita ng mga taong nambu-bwisit sa ‘yo na naaapektuhan ka lalo na kung alam mo sa sarili mo na hindi naman ito totoo. Lalo lamang silang ginaganahan na ipagpatuloy sa kanilang mga kalokohan hangga’t nakikita nilang pumapatol at naaapektuhan ang pinipikon nila.
Para naman sa lola, suportahan na lamang ang apo at huwag nang ipakita dito na mas apektado pa siya kaysa dito dahil lalo lamang nakakaramdam ng awa sa sarili ang bata kapag makita niyang wala siyang masandalang mas matibay humarap sa problema kaysa sa kanya.
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City tuwing Miyerkules alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.