Mga sangkot sa pyramiding scam, huwag tantanan!
Matindi ang bagong nabulgar na pyramiding scam na kinasasangkutan ng Aman Futures Group Philippines Inc.
Biruin ninyong aabot sa 15,000 nating mga kababayan na karamihan ay sa Visayas at Mindanao ang naging biktima ng dayuhang si Manuel Amalilio na ngayon nga ay sinasabing nakabalik sa kanyang bansa sa Malaysia.
Aabot sa P12 bilyon ang nakulimbat nito at anim pa nitong mga kasamahan sa marami nating mga kababayan.
Mula sa ibat-ibang sektor ng lipunan galing ang mga naging biktima at ang mas kawawa ay yaong mga mahihirap na isinugal pa sa ganitong pyramiding ang kanilang pera sa pag-asang lalaki ito.
Marami ang naloko ng grupong ito, may ulat pa na may nagpakamatay matapos madala ang kanyang perang nakuha sa retirement.
Yung isang recruiter sa Pagadian, kinidnap at pinatay, ang bangkay natagpuan sa Zamboanga del Sur. Hinihinalang ang may kagagawan ay ang mga naburyong na mga naging biktima.
Hindi lang yan, literal talaga na may nasiraan ng bait dahil dito, matapos na ilagay ang lahat ng kanyang kabuhayan pati na ng kanyang buong pamilya tapos eh naloko lang pala. Nawala sa sariling pag-iisip.
Tignan ninyo ang ginawa ng sindikatong ito, ilang buhay at ilang pamilya ang ngayon ay nasa kawalan ng pag-asa dahil sa nangyari sa kanila.
Hindi naman kasi ngayon lang nangyari ang ganitong insidente, matagal na ang sindikato sa pyramiding at noon pa man ay nababalaan na ang marami dito.
Ang sistema rito sa una ay padadamahin ka.
Ang bilis-bilis na ipapadala sa iyo ang tseke ng ipinuhunan at tubo sa iyong inilagak.
Ang Aman Futures Group na ito 30 hanggang 80 porsiyento ang ipinangakong balik sa pera ng kanilang mare-recruit.
Dapat dito pa lamang magduda na kayo. Sinong sira ulo na ganito kalaki ang ibabalik sa pera, kalokohan ito.
Dapat din na maging maingat tayo, lalo na nga’t perang pinaghirapan at inipon natin ang ipagkakatiwala natin sa ibang tao.
Magsiyasat muna bago natin pakawalan ang ating pinaghirapan.
Sana nga ay mapanagot ang mga taong sangkot sa panloloko sa marami nating kababayan at maibalik man lang ang kanilang mga naipuhunan kahit na wala ang sinasabing tubo o sinasabing malaking interes na isang malaking kalokohan.
- Latest