LINAWIN muna natin ang pagkakaiba ng matipid at kuripot. Ang taong matipid ay matalinong gumastos. Ang kuripot ay may pera ngunit ayaw niyang gumastos.
1. Maintenance
Ang unang ugali ng matipid ay maingat sa kanilang kalusugan. Iniiwasan nila ang pagkaing magdudulot ng sakit. Bukod dito, pinapangalagaan nila ang sarili sa pamamagitan ng pag-eehersisyo. Mas maiiwasan ang gastos sa ospital at doktor kung sa umpisa pa lang ay pangalagaan na ang katawan.
Sinusunod nila ang car maintenance schedule. Mas malaki ang magagastos kung hihintaying masira bago dalhin sa talyer. ï€ Tinitiyak muna na puwede pang i-repair ang lumang gamit bago bumili ng bago.
2. Naglalaan ng budget
May nakalaang budget sa mga pinaplanong activities, halimbawa ay family vacation. Noong nagbakasyon kami sa Bangkok, hinati namin ang cash sa aming apat. Ganito ang ginawa namin upang alam ng bawat isa ang limitasyon sa paggastos. Pero nakakatuwa pala at sobrang mura ng mga pagkain kahit sa sosyal na mall kami kumain. Sa budget na 100 Baht per person, dalawang klase na ng pagkaing mabibili kasama na doon ang drinks. Ang mga damit at sapatos ay napakamura kaya kahit wan to sawa ang pamimili na ginawa namin ay may natira pa rin sa cash na aming baon.
3. Nagre-research
Kapag nagre-research, malaki ang iyong natitipid. Ang una naming inalam ay kung kailan nagbibigay ng malaking diskuwento sa plane ticket. Pangalawa ay murang hotel ngunit maganda at ligtas na tirahan. Pangatlo ay transportation system—saan ba makakatipid, sa taxi, train or tuktuk? Panghuli, address ng mall at divisoria type market na super mura pero sosyal ang mga bilihin. Bonus: Pinag-aralan din namin ang modus ng mga local scammers sa mga turista sa pamamagitan ng pagbabasa ng experience ng bloggers na nanggaling na sa Bangkok.
Ang tatlo pang bubuo sa 6 na magandang ugali ng matipid na tao ay 4) alam ang priority niya: ano ang dapat unahing bilhin o pagkagastusan; 5) alam kung ano ang pagkakaiba ng gusto lang bumili at kailangang bilhin at 6) gumawa sa halip na bumili. Halimbawa, gumagawa na lang ako ng sariling ham kaysa bumili.
Mahirap hanapin ang pera kaya dapat lang na kapag pinakawalan mo ito sa iyong wallet, ang kapalit ay matinding kasiyahan sa iyong puso.