Kamakalawa ng umaga matinding trapik ang idinulot sa banggaan ng isang bus at tanker sa kahabaan ng SLEX.
Hindi lang kasi simpleng aksidente ang nangyari, dalawa ang nasawi rito at lima pa ang nasugatan, lahat buhat sa mistulang lumilipad na Lippad bus na sumalpok sa isang diesel tanker.
Isang pasahero at mismong ang konduktor ng bus ang nasawi sa insidente. Ang driver ng bus, mabilis na tumakas matapos ang aksidente.
Alam agad ang magiging aksyon dito ng LTFRB, siguradong sususpendihin ang Lippad bus na nasangkot sa madugong aksidente.
Ganito rin ang ginawa nila nang masangkot sa magkasunod na araw na aksidente ang Nova bus kamakailan.
Tatlumpung araw ang ibinigay na suspensyon ng LTFRB sa buong fleet ng Nova bus company. Pero hindi pa natatapos ang 30-days, binawi na ng LTFRB ang ibinigay na suspensyon, kundi sampu na lamang sa kanilang 66-bus ang suspendido dahil nakakabit daw ang prangkisa ng mga ito sa mismong bus na sangkot sa aksidente.
Ngayon na mainit pa ang naganap na aksidente sa pagitan naman ng Lippad bus, siguradong mahigpit din ang ipapataw na suspensyon ng LTFRB, pero hindi magtatagal mistulang makikita na agad sa mga lansangan ang mga bus na ito.
Mukhang walang ngiping magpatupad ng mahigpit na panuntunan ang LTFRB sa mga bus na palagi na lamang ay dawit sa mga aksidente sa lansangan kaya naman hindi nadadala ang mga ito.
Dapat kung suspendido, suspendido lahat, wala nang kabit-kabit pang mga prangkisang sinasabi na nagpapagulo lamang.
Kung makailang ulit na ang pagkakasangkot, kanselahin nang tuluyan ang prangkisa para hindi na makapasada ang mga ito.
Dapat may mga matibay o malinaw na programa ang ahensya para maiwasan ang ganitong mga aksidente.
Iisa pa rin naman ang ugat, kawalang disiplina at mga pasaway na driver.
Ang siste pa rito, sa maraming pagkakataon agad na tumatakas ang driver na sangkot sa aksidente, imbes na dalhin o pagmalasakitang isugod sa pagamutan ang kanyang mga naging biktima, uunahin nito ang pagtakas.
Dapat mas mabigat na parusa o malaking penalty ang ipataw sa mga driver na tinatakasan ang kanilang mga naaaksidente.
Imbes yatang kumonti ang mga pasaway at kaskaserong bus driver, parami ito nang parami.