NAGSIMULA ang ngitngit ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Leonardo Espina sa mga “bugok” na pulis nang balak kotongan ang kanyang anak na lalaki habang nasa sasakyan nito at nakikipag-usap sa cell phone sa Hemady St., Quezon City noong Setyembre 5, 2012. Inaakusahang nakikipag-phone sex ang kanyang anak at hinihingian nang P20,000 para hindi na makasuhan. Pero tinawagan si Espina ng kanyang anak at sinabi ang balak ng pulis na nakilalang si SPO4 Jose de la Peña ng QCPD-Mobile Patrol Unit. Ang kasama ni De la Peña na si PO3 Resty del Rosario ang nagmamaneho ng mobile car. Nang kausapin ni Espina si De la Peña agad nagbago ang tono ng pulis at hinayaan nang makaalis ang anak ng general.
Mula nang mangyari iyon, naging panata na ni Espina ang pagsibak sa mga “bugok” na pulis. Mula nang maging NCRPO chief si Espina noong Setyembre 7, 2012, dalawang araw makaraan ang balak na pagkotong sa anak, nasa 58 “bugok” na pulis na ang kanyang sinibak sa puwesto. Kabilang umano sa sinibak si De la Peña.
Ayon kay Espina, ang mga “bugok” na pulis ay walang karapatan na manatili sa serbisyo. Nararapat umano na maging halimbawa ang mga pulis sa sambayanan. Ang pagsisilbi at pangangalaga sa mamamayan ang dapat na ipakita ng mga pulis.
Kung magtutuluy-tuloy ang ginagawa ni Espina na pagtanggal sa mga “bugok” sa PNP, maaaring makabangon ang organisasyon sa masamang imahe. Sa ngayon, negatibo ang tingin ng mamamayan sa PNP. Sa kabila na marami pa rin namang mabuting pulis, natatakpan ito nang ginagawa ng mga “bugok”. Maraming mamamayan ang ayaw nang lumapit sa pulis sapagkat natatakot. Baka sa halip na tulungan ay “kotongan”.
Maibabangon ni Espina ang PNP kung magtutuluy-tuloy ang kanyang nasimulan na pagtanggal sa mga “bugok” na pulis. Paigtingin din naman ang pagwasak sa kriminalidad at panatilihin ang police visibility. Sa pagsisikap niya baka kuminang muli ang tsapa.