Payo para tumalino
ALAM ba ninyo na ang paggamit ng internet ay puwedeng makatulong para ikaw ay tumalino? Ayon sa isang pagsusuri ni Dr. Gary Small ng Semel Institute for Neuroscience and Human Behavior sa University of California, ang paggamit ng internet ay may naitutulong sa paggana ng ating utak.
Kapag nag-browse ka sa internet, mapapagana ang iyong pag-iisip dahil kailangan mong hanapin ang iyong gustong paksa. Mapipilitan kang mag-isip at mag-desisyon.
May kasabihan ang mga doktor na “Use it or lose it.” Ang ibig sabihin ay kapag hindi mo ginamit ang iyong utak ay manghihina ito at magiging mapurol. Ngunit kung lagi kang may iniisip at may proyekto, ay tatalas naman ang iyong isipan.
Sa pag-aaral ni Dr. Small sa 24 na tao, edad 55 hanggang 78, ikinabit niya sa isang MRI scan machine ang mga tao habang gumagamit ng internet. Napatunayan ng mga doktor na ang mga gumamit ng internet ay napapagana ang iba’t ibang parte ng kanilang utak.
Ayon kay Dr. Small, kung kayo ay gagamit ng internet para mag-aral, may benepisyo ito sa inyong utak. Ngunit kung ang hahanapin ninyo sa internet ay pagsusugal at pag-shopping, baka hindi naman ito makatulong sa inyo. Mag-ingat din sa paggamit ng internet.
Mga dagdag payo para tumalino:
Maglakad ng 45 minutos. Kapag tayo’y nag-eehersisyo, mas gumaganda ang sirkulasyon ng dugo sa ating katawan.
Gamitin lagi ang ating pag-iisip. Magsagot ng crossword at mga puzzles.
Kumain ng pagkaing pampatalino. Ang mga subok na brain foods ay mani, matatabang isda (tulad ng tuna, tilapia, salmon, sardinas at tamban), avocado, olive oil, cocoa, spaghetti sauce at tomato sauce.
- Latest