^

Punto Mo

‘Doble solusyon!’

- Pang-masa

ANG isang nasirang gamit hangga’t hindi nakukumpuni habang buhay nang walang silbi katulad ng problema kapag hindi ka gumawa ng hakbang para masolusyonan habang buhay mo ng pasan. Ngayong araw dalawang simpleng mga kaso ang tampok namin.

Inere namin sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para sa Lahat” sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 – 4:00 ng hapon) ang mga istoryang ito. Unahin na natin ang istorya ng isang misis. Siya ay si Eden Marcos, 40 anyos ng Marikina City. Napipikon na daw ang kanyang mister na si Jimmy dahil sa nabili niyang umano’y depektibong cellphone. Kagaya ng iba meron ng cellphone si Eden. Ang gusto lang niya ay makasubok ng bago. Abril 2012, namasyal ang mag asawa sa SM Cubao. Napadaan sila sa isang tindahan na ‘Fone Twist’. Nakita nila doon ang mura at magandang cellphone ang “My Phone TW1 Duo”. ‘Touch screen’, ‘camera’, MP3, radio, camera at ‘Dual sim’ (dalawa ang sim card) sa murang halagang Php3,500. Makalipas ang isang buwan napansin niyang bigla itong naghahang. Nung una’y pinapabayaan lang niya ito ngunit lumala daw. Kinailangan niyang tanggalin ang battery para lamang mapagana niya ng maayos. Bumalik sila sa tindahan. Pinapaiwan ang cellphone ng tatlong araw para daw magawa. “Nainis ang mister ko dahil naapektuhan ang trabaho niya para lang mapaayos ang cellphone”, sabi ni Eden. Wala naman daw nangyari kaya’t nagsadya na si Eden sa aming tanggapan upang humingi ng tulong na maayos ang cellphone. Bilang tulong kami’y nakipag-ugnayan sa My Phone kay “Leo Ramos”,  ang ‘market support manager’.

Minsan na kaming inasikaso ni Mr. Ramos ng aming ilapit ang noo’y problema din sa kanilang produkto. Alam namin na hindi nila papabayaan ang kanilang mga customer at tulad ng inaasahan mabilis niyang kinilos ang problema ni Eden. Pinapunta nila si Eden sa Sony Service Center sa Marcos Highway at pinahanap niya ang ‘branch manager’ na si Ms. Ricca. Makalipas ang ilang araw tumawag sa amin si Eden. Meron lang daw inayos sa software at nakuha nila ito agad. “Sir maraming salamat! Maayos na po ang cellphone namin at mas nae-enjoy ko nang gamitin ang My Phone. Maraming salamat kay Mr. Leo Ramos,” sabi ni Eden. Magandang tangkilikin ang produktong ito dahil gawang Pinoy. Nagkakataon lang talaga na ang mga gadgets tulad ng cellphone ay hindi maiwasang magkaproblema.

PARA sa pangalawang istorya, lumapit sa amin si Joel Naranja, 24 anyos ng San Mateo Rizal. Ang kanyang problema ay ang naiwang sweldo sa trabaho. Sinamahan siya ng kanyang ina na si Josephine sa aming tanggapan. Nag-umpisa ang problema ng anim na araw na lumiban si Joel sa trabaho ng dahil sa habagat. Nagtiyaga ang pamilya Naranja na matulog sa siksikan at malamig na sahig ng ‘evacuation area’. Walang swerte sa hanapbuhay itong si Joel. Palagi na lang siyang napupunta sa kumpanya na umano’y may problema sa pagpapasahod. Matagal na raw siyang nasa ilalim ng Main Agency. Nadestino siya bilang isang ‘merchandiser’ sa CDO Foodsphere Inc. sa Ultra Mega Antipolo noong ika-31 ng Mayo, 2012. Nakakapagtiis naman daw si Joel dito sa kabila ng mga hindi raw patas na patakaran. Isa na dito ang magbabayad ng halagang Php500 ang mga empleyado sa tuwing sila ay aabsent sa trabaho. Ika-7 ng Agosto lumubog ang bahay nila Joel ng dahil sa habagat. Ito ang dahilan kung bakit siya anim na araw na hindi nakapasok. Ang labing dalawang araw daw niya na ipinasok mula nung buwan ng Hulyo ay hindi pa bayad na umaabot sa halagang Php6,156. Ika-15 ng Agosto 2012, sinubukan ni Joel na tingnan ang kanyang ATM kung meron na ba itong laman. Pagpindot niya napailing siya ng makitang wala itong laman.  Tinawagan niya ang kanyang ‘coordinator’ na si Mr. Arnel Silades.  Naka ‘hold’ daw ang kanyang sahod dahil may mga ‘charges’ at hindi nito alam kung magkano. Kailangan daw makuha ang memo na galing sa Ultra Mega. Naghintay si Joel. Ika-30 ng Agosto sumubok na naman siyang tingnan ang kanyang balance sa ATM ngunit bigo siya… wala pa rin ang sahod niya.

Kinulit niya si Arnel. Ang payo daw sa kanya ay maghintay lang. Nakailang follow-up siya. Ang sabi nito ay mag-‘clearance’ daw muna para ma-release ang kanyang sweldo. Ika- 10 ng Setyembre nagpa-clearance nga si Joel sa pag-asang makaka­sweldo siya sa kinsenas ngunit bokya pa din ang ATM niya. “Palagi na lang nilang sinasabi na maghintay na lang daw. Kailangan na ng nanay ko ang pera. Wala na kaming panggastos,” sabi ni Joel. Nung tinawagan niya ulit si Arnel ay hindi na ito sumasagot at pinatayan na siya ng cellphone. Wala daw may alam kung kailan siya mababayaran. Punung-puno na si Joel kaya nagsadya na siya sa amin. “Napakaliit na halaga lang ang hinihingi ko. Pinaghirapan ko yun hindi nila maibigay,” wika ni Joel.

Bilang tulong tinawagan namin ang Main Agency. Nakausap namin si Ms. Donna Guillermo, HR recruitment ng Main. Sinabi niya na wala sa kanila ang problema kundi nasa Ultra Mega. Alam daw ni Joel bago pa lang siya mag-umpisa ang tungkol sa outlet na may ‘charge’ na Php500 sa tuwing aabsent. Hindi daw nila mai-release ang sweldo ni Joel dahil hindi nila alam kung magkano ang ikakaltas ng Ultra Mega sa mga araw na hindi pumasok si Joel. Tinawagan naman namin ang Ultra Mega. Nung una’y pinagpapasa-pasahan lang ang aming tawag hanggang sa makausap namin ang manager na si Gringo Tipolo. Pinaliwanag sa amin ni Gringo na nasa agency daw ang problema. Nai-fax na daw nila ang mga kaltas. Sa katunayan nga daw dahil tumawag kami ay dalawang araw na lang ang ikakaltas nila kay Joel sa pag-absent nito. Tinanong namin sila kung bakit kailangan magbayad ang mga emple­yado na hindi makapasok. “Hindi kami nanggigipit. Kapag may sakit o may kalamidad hindi namin pinapasagot sa kanila ang bayad pero kapag umabsent nang walang dahilan saka namin pinapabayaran ng Php500. Yun po ang policy,” sabi ni Gringo. Hindi kami tumigil at nakipag-ugnayan ulit kami sa Main. Sinugurado ni Ms. Donna na maibibigay ang hinihinging pera ni Joel. Pinapunta nila ito sa kanilang opisina sa Alabang upang kunin ang tseke bilang kabayaran kay Joel.

Tumawag sa amin si Joel at ibina­lita na nakuha na niya ang perang kanyang hinihintay. “Salamat sa pagtulong niyo sa amin na walang alam sa batas. Nakuha ko na po ang pera na nagkakahalaga ng Php6,850. Umaasa ako na marami pa kayong maaksyunan na tulad naming may problema sa trabaho,” wika ni Joel.

Para sa inyo Eden at Joel sa­lamat sa pagtitiwala ninyo sa aming munting programa. (KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa mga gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

 

vuukle comment

DAW

JOEL

LANG

LSQUO

NIYA

SIYA

ULTRA MEGA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with