Editoryal - Problema pa rinang ‘anak ng jueteng’
MULA noon hanggang ngayon, problema pa rin ang jueteng. Hindi na makapahinga ang bansa sa problemang ito. Noong nakaraang buwan lang, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson, na maraming police official ang tumatanggap nang malaking halaga ng pera sa jueteng payola. Bagama’t hindi pinangalanan ng senador, nakatitiyak siya sa akusasyon na maraming police official ang nakikinabang sa jueteng. Alam ito ni Lacson sapagkat siya ay dating hepe ng PNP noong panahon ni President Joseph Estrada. Talamak ang jueteng noon at maski hanggang ngayon. Ang jueteng scam din ang dahilan kaya nawala sa puwesto si Estrada.
Kung nakikinabang ang mga hepe ng pulisya sa jueteng, huwag nang asahan na masosolusyunan pa ang problema sa jueteng. Kahit pa nga binuwag pa ang Small Town Lottery (STL) at papalita ng iba, hindi rin garantiya na mawawala ang problema sa illegal na sugal. Ang mangyayari, papalitan lamang ng pangalan, pero iyon din ang kalalabasan.
Nagalit si President Aquino kaya pinabuwag ang STL. Hindi raw epektibo ang eksperimento sapagkat lalo lang naging talamak ang jueteng. Ginawang front lamang ang STL pero ang illegal na jueteng pa rin ang nangibabaw. Ang nangyari, walang kinikita ang gobyerno at ang mga jueteng lord lamang ang nakinabang.
Isa sa maaaring solusyon para mabuwag ang jueteng ay ang pagsibak sa mga hepe ng pulis na walang kakayahang kontrolin ang illegal na sugal. Katulad ng ginawa sa hepe ng pulis sa Camarines Sur. Inalis ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome sa puwesto si Senior Supt. Ramon Ranara dahil sa kabiguan nitong patigilin ang jueteng sa CamSur. Bukod kay Ranara, anim na hepe pa ng mga bayan sa CamSur ang inalis sa puwesto.
Hepe ng pulis ang panagutin kapag may jueteng. Magandang paraan ito para lubusang mawala ang jueteng sa buhay nang mga Pilipino. Hindi na dapat manaig ang “anak ng jueteng”.
- Latest