AYON sa survey na isinagawa, ang madalas nakawin ng mga kleptomaniac hotel guests sa buong mundo ay ang mga sumusunod:
Sex toys—May mga hotel kagaya ng The Residence sa Bath, England ang nagpaparenta ng kinky accessories para sa hotel patrons. Sa halip na isauli ang nirentahang bagay, ito ay ninanakaw na lang.
Grand Piano—Magtataka kayo na ang ganito kalaking bagay ay naitatakas pa rin ng mga magnanakaw. Magkukunwang nag-i-stroll lang sa hotel lobby. Kapag nakakuha ng tiyempo ay itatakas nila ang piano nang walang kahirap-hirap. Pero duda ako kung magagawa iyan sa mga hotel sa Pilipinas. Bukod sa adik sa guwardiya ang mga business establishments, adik din ang mga guwardiya sa pagkapkap ng katawan at pagtse-tsek ng bag. Saan mo itatago ang piano?
Cutlery—Kadalasan ay magaganda ang silverwares (kutsara, tinidor, kutsilyo) sa hotel kaya ito ang madalas nakawin. Kung tutuusin, kahit hindi klepto ay natutuksong nakawin ito dahil mabilis itago sa bag.
Room number—Kahit ang hotel room number (stainless steel) na nakadikit sa pintuan ay hindi pinapatawad ng mga klepto sa Franklin Hotel sa Knightsbridge, UK.
Christmas gift sa ilalim ng Christmas Tree—May isang pangyayari sa hotel sa Dublin Ireland na ang lahat ng Christmas gift na nakadispley sa lobby ay ninakaw ng hotel guest. Pero hindi alam ng magnanakaw na empty boxes lang iyon na binalutan ng gift wrapper.
Ang iba pang gamit na napagtripan nakawin ay ginupit na carpet sa Las Vegas hotel; showerheads sa Crowne Plaza sa Bangkok; chandelier sa Shangri-La Hotel sa Hongkong; tinuklap ang marble ng fireplace sa Four Seasons Beverly Wilshire Hotel; ang buong bathroom fitting ng isang hotel sa Berlin, mula sa shower heads, hydro massage shower units, taps, interior plumbing, to the toilet seats at pati ang lababo; fresh flower sa Sheraton Park Tower sa London; Andy Warhol painting worth $300,000 sa Hong Kong’s W Hotel; television sa London Hotel at buong laman ng hotel room sa Holiday Inn sa America. Ang kinuhang room ay malapit sa car park para mabilis maisakay ang lahat ng gamit.