Local campaign period simula bukas
PNP handa na
MANILA, Philippines — Handa na ang Philippine National Police (PNP) sa pagsisimula ng local campaign period para sa May 2025 midterm elections sa Huwebes (Marso 28) sa buong bansa.
Ito ang tiniyak ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil, kasabay nang babala sa sinumang magtatangkang manggulo o manakot upang guluhin ang demokratikong proseso.
“Sa mga may balak maghasik ng takot, manindak ng botante, o gumamit ng dahas para sa sariling interes—ito na ang huling babala: buong puwersa ng batas ang ipapataw sa inyo. Hindi namin hahayaang masira ang ating demokrasya,” ani Marbil.
Kasabay ng pagsisimula ng kampanya, inatasan ng PNP Chief ang lahat ng regional, provincial, city, at municipal police commanders na pangunahan ang pagpapanatili ng isang mapayapa, malinis, at maayos na halalan.
Sinabi ni Marbil na dapat na handa ang lahat ng ground commander sa anumang banta, kumilos ng naaayon sa batas at manatiling patas.
Giit ni Marbil, umaasa siyang magiging maagap sa pag-iwas at pagtugon sa anumang election-related violence ang mga pulis.
Binigyan diin ni Marbil na puspusan na ang seguridad ng PNP sa buong bansa, lalo na sa mga election hotspots at lugar na may matinding tunggalian sa pulitika.
Nanawagan din si Marbil sa mga kandidato at kanilang tagasuporta na sundin ang batas at iwasan ang anumang uri ng karahasan.
- Latest