Mag-inang Chinese na dinukot, ibinaon!

MANILA, Philippines — Patay na at kapwa nakabaon sa lupa nang matagpuan ng mga awtoridad ang mag-inang Chinese national na dinukot ng armadong kalalakihan sa Alabang, Muntinlupa City nang matunton ang lugar na pinaglibingan sa mga biktima General Trias City, Cavite nitong Biyernes.

Sa report ni Police Regional Office (PRO)-IVA director P/Brig. Gen. Kenneth Lucas, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Rong Rong Hong at anak nitong lalaki na si Zineng Zheng, 11 taong gulang.

Alas-5 ng hapon nang matunton ng PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG) at Gen. Trias Police ang lugar kung saan diumano ibinaon
ang mga biktima sa Savannah Fields Subdivision, Brgy. San Francisco, General Trias City. Dito nadiskubre ang mga human remains o parte ng katawan ng mga tao na posibleng pag-aari ng mag-inang kidnap victims.

Ang mag-ina ay matagal nang pinaghahanap ng kanilang pamilya matapos silang dukutin ng anim na armadong lalaki sa Ayala Alabang, Muntinlupa City noong Oktubre 2023.

Ang tatlo pang Pinoy na kasama na dinukot ay kinabibilangan ng mag-asawang stay-in kasambahay ng pamilya at driver gayundin ang anak nilang lalaki ay pinakawalan ng mga kidnapper sa Calauan, Laguna. 

Noong OKtubre 30, 2023, pinasok ng anim na armadong kidnapper ang bahay ng mga biktima sa isang kilalang subdivision sa Muntinlupa at kinidnap ang 9 sa kanila kabilang ang anim na Chinese na isinakay sa van. 

Ang iba sa mga biktima ay napalaya pero nanatiling bihag ang nasabing mag-ina na pinaniniwalaang nabigong magbayad ng ransom kung kaya pinaslang at inilibing sa Gen. Trias City, Cavite.

Nagsasagawa na ng post mortem examinations at awtopsiya ang mga awtoridad sa mga labi ng mga biktima.

Show comments