Driver nagkulong sa misis, anak sa container truck, arestado!
MANILA, Philippines — Arestado ang isang truck driver nang ilabas ng korte ang warrant of arrest kaugnay sa kasong pagkulong sa kaniyang maybahay at 3-taong gulang na anak sa minamanehong truck sa loob ng 3-araw, bunsod ng matinding selos, sa Port Area, Maynila, Biyernes ng umaga.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Baseco Police Station (PS-13), P/Lt. Colonel Emmanuel Gomez, alas-10:30 ng umaga ng Pebrero 7 nang isilbi ang warrant of arrest laban sa truck driver na si alyas “Vizcarra”, 48-anyos, sa 2nd street cor. Tacoma St., Port Area, Manila.
Si Vizcarra ay top 3 most wanted (station level) ng Manila Police District na inisyuhan ng Manila court ng warrant of arrest sa mga kasong paglabag sa 2 counts ng serious illegal detention, 2 counts ng Section 5 (a), Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, at Section 10 (a), RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Ang mga kaso ay nag-ugat matapos nitong bugbugin ang kanyang misis at ikulong kasama ang anak sa loob ng container truck ng tatlong araw dahil sa selos sa hinalang may ibang lalaki ang asawa noong Hulyo 2024. Binigyan lamang ng plastic ang mag-ina kung iihi at dudumi at kapag nag-iiyak ang bata dahil sa init sa loob ng container at nagugutom ay sinasabihan umano ng ama na ilalaglag sa truck.
- Latest