MANILA, Philippines — Mahihirapan si Vice President Sara Duterte na malusutan ang impeachment trial kaugnay ng mga alegasyon laban dito dahilan suportado umano ng malalakas at matitibay na ebidensya.
Ito ang kumpiyansang tinuran ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, Chairman ng House Quad Committee bilang reaksyon sa aniya’y tila nakalimot na si VP Duterte na itinanggi na umano ngayon na pinagbantaan niyang ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez .
Ang nasabing banta, na ginawa ni Duterte noong Nobyembre 2024 at kumalat sa social media, ay kasama sa Articles of Impeachment, na nilagdaan ng 215 kongresista at isinampa ng Kamara de Representantes sa Senado noong Miyerkules.
“Well ‘yung first Article of Impeachment eh may mga ebidensya pong nakasama po ‘dun, ‘yung videos, ‘yung pahayag na ating bise presidente, kaya nga po naisama po ‘yan and kaya nga po may proseso,” ani Barbers, tumatayo ring Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs.
Sinabi ni Barbers na lalabas ang katotohanan sa impeachment trial ni VP Duterte sa Senado at bagama’t hindi siya abogado, sa kanyang sariling opinyon ay sapat ang ebidensya para suportahan ang mga paratang sa impeachment.