MANILA, Philippines — Nanawagan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa House Committee on Ethics and Privileges ng Kongreso na aksiyunan ang reklamong isinampa ng mga katutubong Lumad laban kay ACT Party-list Representative France Castro.
Ayon sa task force buo ang kanilang suporta sa laban ng mga Lumad kaya kinakalampag nila ang House Committee on Ethics and Privileges na aksiyunan ang reklamo ng mga katutubo na isinampa laban kay Castro noon pang Disyembre 2024.
Nagpahayag din ng paghanga ang NTF-ELCAC sa katapangan ng mga katutubong Ata-Manobo Tribal Council of Elders at Leaders of the Talaingod Indigenous Political Structure (IPS) sa paghahanap ng hustisya at pananagutan.
Ang panawagan ng mga Lumad ay dapat na tugunan lalo na ngayong panahon na ang bawat Filipino ay umaasa sa mga ‘public institutions’ gaya ng Kongreso tungo sa pagsulong ng kapayapaan, pagkakaisa at kaunlaran.
Sa kabila ng ibinabang hatol ng korte noong Hulyo 2024 laban kay Castro at 12 pa sa pang-aabuso sa mga Lumad, hindi pa naipatutupad ang hatol na anim na taong pagkakabilanggo.
Batay sa pananaw ng mga Lumad, ang mabagal at tila walang katiyakang aksiyon ng House of Representatives, ay nagsasaad na ang grupo nila Castro kasama ang Makabayan bloc ay ‘di kayang sampahan o hatulan ng kanilang mga kasamahan sa Kongreso.