TRABAHO Partylist suportado ang pinahigpit na work permit regulations para sa mga dayuhan

MANILA, Philippines — Suportado ng TRABAHO Partylist ang kamakailang pagbabago sa regulasyon ng work permit regulations para sa mga foreign nationals.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), layunin ng bagong alituntunin na gawing mas simple ang proseso para sa mga manggagawang ­banyaga, habang tinitiyak ang pagbibigay prayoridad sa mga manggagawang Pilipino.

Ni-revise ng DOLE ang mga patakaran sa pag-iisyu ng Alien Employment Permits (AEPs), na naglalayong gamitin lamang ang mga manggagawang banyaga kapag kinakailangan at naaangkop.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, layunin ng mga pagbabagong ito na gawing mas maayos ang mga kinakailangang dokumento at pabilisin ang proseso ng mga employment permit upang mapanatili ang balanse sa pagpapalago ng mga pamumuhunan, proteksyon sa lokal na paggawa, at tiyakin ang paglipat ng mga kasanayan sa mga manggagawang Pilipino.

Bilang karagdagan sa mga pagbabagong ito, ipatutupad ng DOLE ang updated na Economic Needs Test (ENT) upang maiwasan ang hindi kailangang pagkuha ng mga banyagang manggagawa sa mga sektor kung saan may mga Pilipinong manggagawa nang handa at may kakayahan.

Pinuri ni Atty. ­Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO Partylist, ang mga pagbabago na ito bilang isang positibong hakbang upang protektahan ang mga interes ng mga manggagawang Pilipino at maakit ang mga foreign investment na makakatulong sa pagpapalago ng ekonomiya.

Show comments