Phase out ng EDSA busway pinag-aaralan
![Phase out ng EDSA busway pinag-aaralan](https://media.philstar.com/photos/2024/05/20/b47_2024-05-20_18-22-27.jpg)
MANILA, Philippines — Upang mabawasan ang mga sasakyang bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA at sa halip ay gamitin na lamang ng mga pasahero ang Metro Rail Transit (MRT) ay plano ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang phase out ng EDSA busway.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na nagsabi ang Department of Transportation (DOTr) na magdaragdag sila ng isang bagon sa mga train ng MRT na dagdag na 30% capacity sa bawat trip kaya lumutang ang mungkahi sa EDSA busway.
Sinabi ni Artes na kung kaya rin lang ng MRT na i-accommodate ang lahat ng pasahero ay mas mainam dahil sa tingin nito ay repetitive ang function ng busway.
Kung matutupad aniya ito ay magiging libre ang isang lane at iminungkahing ipagamit sa “high occupancy vehicles” tulad sa Amerika na kung tatlo o apat ang pasahero ng pribadong sasakyan ay puwedeng gamitin ang special lane.
Binigyang-diin ni Artes na kung makakasakay din lang ang mga pasahero sa MRT, hindi nila nakikitang kailangang sumakay pa ng bus ang mga commuter dahil pareho naman ang ruta at mas bentahe sa mga pasahero dahil mas marami itong istasyon kaysa bus carousel.
- Latest