Lalaki binaril sa ulo habang naglalakad, patay

MANILA, Philippines — Isang 50-anyos na lalaki ang nasawi matapos barilin sa ulo ng ‘di pa tukoy na gunman habang naglalakad sa Taft Ave­nue, ilalim ng Baclaran-LRT station, kamakalawa ng gabi, sa boundary ng Parañaque-Pasay City.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Pasay City Gene­ral Hospital ang biktimang si alyas “Daniel”, residente ng Calamba City, Laguna.

Sa ulat ng Pasay City Police-(Baclaran) Sub-station 5, alas-7:58 ng gabi nang maganap ang insidente ng pamamaril sa Taft Avenue Extension, Pasay-Parañaque Boundary, sakop ng Barangay 145, Zone 16, Pasay City.

Dalawang vendor ang nakasaksi sa pangyayari na nagsabing isang lalaki ang biglang sumulpot na may hawak ng baril at pinaputukan sa ulo ang naglalakad na biktima bago tumakas.

Nagsasagawa pa ng follow-up investigation at backtracking ang mga tauhan ng pasay Police para matunton at madakip ang suspek.

Show comments