Lahat ng government hospital, lagyan mga gamit at gamot – Cong. Tulfo

MANILA, Philippines — Isusulong ni ACT-CIS Representative at House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at ilan pang mga kasamahan sa Kongreso ang isang batas na magtatakda sa Department of Health (DOH) na lagyan na ng mga gamit at gamot ang lahat ng mga ospital ng pamahalaan sa buong bansa partikular na sa mga liblib na lugar.
Ang panukalang batas ni Cong. Tulfo, kasama sina ACT-CIS Representatives Edvic Yap, Jocelyn Tulfo, Benguet Cong. Eric Yap ay Quezon City Rep. Ralph Tulfo, ay may pamagat na “Universal Medical Access and Equipment Act of 2025”.
“Nakakasawa ng marinig mula sa mga kababayan natin lalo na ‘yung sa mga probinsya na walang gamit at gamot ang ospital nila,” ani Tulfo.
Ayon sa mambabatas, “Ang problema kasi ang pinopondohan lang ng DOH ay ‘yung mga ospital na under sa kanila na mga malalaking ospital tulad ng Lung Center, NKTI, East Ave Medical at iba.”.
“Pero ‘pag ang ospital under sa LGU, ‘yun ang kawawa dahil hindi na sakop ng DOH funding kaya kulang-kulang o walang gamit at mga gamot lalo na ‘pag ‘yung ospital manage ng mahirap na LGU”, paliwanag ni Tulfo.
Karamihan sa mga ospital sa mga probinsiya o munisipyo bukod sa walang gamot, ay walang mga basic na gamit tulad ng x-ray, ECG machine, at ultrasound.
“With this bill, lahat ng government hospital, whether hawak ng national government o LGU, kailangan bilihan ng gamit at gamot ng DOH through their medical assistance for indigent and financially incapacitated patients o MAIFIP funds,” ani Tulfo.
- Latest