Lalaki na nag-aalmusal niratrat ng tandem, dedo
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang 25-anyos na lalaki nang pagbabarlin ng dalawang lalaking magkaangkas sa isang motorsiklo habang nag-aalmusal sa isang kantina sa Rodriguez, Rizal kahapon ng madaling araw.
Ang biktima na nasawi dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si alyas ‘Johndel, 25, ng Brgy. San Isidro, Rodriguez. Habang nakatakas ang mga suspek, lulan ng isang ‘di naplakahang motorsiklo.
Sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, alas-2:00 ng madaling araw ay kasalukuyang nag-aamusal ang biktima sa loob ng kantina na matatagpuan sa Sitio Harangan, sa Brgy. San Isidro, Rodriguez nang dumating ang mga suspek.
Bumaba ang isa sa mga suspek at nang makita ang biktima ay kaagad itong nilapitan at pinagbabaril.
Nagawa pa ng biktima na makatakbo at makapagtago sa loob ng banyo ng kantina ngunit hinabol siya ng suspek at muling pinagbabaril at nang masigurong patay na ay mabilis na tumakas.
- Latest