MANILA, Philippines — Nadiskubre ng mga otoridad ang hinihinalang shabu laboratory sa inilarawan ng isang imbestigador na kitchen type sa insidente ng pagsabog sa subdivision sa Tanza, Cavite, kahapon ng umaga.
Nangyari ang pagsabog sa isang inuupahang tirahan sa Leon Fojas St.,Barangay Sahud-Ulan, alas-6:00 ng gabi ng Martes at kahapon lang ng umaga inireport sa pulisya.
Agad na nirespondehan ng magkasanib na elemento ng Tanza Bureau of Fire Protection (BFP) at lokal na pulisya sa napaulat na pagsabog.
Nadiskubre ng mga otoridad sa pinangyarihan ang marami sa mga paraphernalia at kagamitan na pinaniniwalaang ginagamit para sa produkto ng iligal na droga.
Agad nakatakas ang isang hindi pa nakikilalang Chinese national na umupa sa bahay kasama ang kanyang mga kasamahan kasunod ng pagsabog.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagsabog at ang koneksyon nito sa umano’y aktibidad sa paggawa ng ilegal na droga.