BOC-CIIS, nagbigay ng cash donation sa pagpapatayo ng mga paaralan at tulay

MANILA, Philippines — Ipinagdiwang ng Bureau of Customs-Customs Intelligence and Investigation Service (BOC-CIIS) ang ika-38 anibersaryo nang pagkakatatag nito noong Lunes, Enero 27, sa pamamagitan ng isang ceremonial donation sa GMA Kapuso Foundation (GMAKF).

Pinangunahan nina BOC Commissioner Bien Rubio, Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy, at CIIS Director Verne Enciso ang turnover ng cash donation, na gagamitin sa pagtatayo ng mga paaralan at tulay sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad, lalo na sa Camarines Sur.

Isinagawa ng grupo ang pagkakaloob ng donasyon, kasunod na rin ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng gobyerno na iwasan ang maluhong pagdiriwang ng holiday, pabor sa pagtulong sa mga Pilipinong naapektuhan ng mga kalamidad.

Nabatid na ang donasyon ay pormal na tinanggap ni GMAKF Executive Vice President at Chief Opera­ting Officer Rikki Escudero Catibog, na nagpahayag ng pasasalamat sa BOC.

Nagsilbi namang key highlight ng programa ang pagkilala sa mga top-performing na opisina sa ilalim ng intelligence group. Si Director Enciso, na isa sa mga awardees ay nakatanggap ng mga special commendations para sa mga natatanging kontribusyon at walang sawang pagsisikap ng mga tauhan at ahente ng IG upang magampanan ang kanilang mga tungkulin.

Si Manila Field Station chief Alvin Enciso ng CIIS-Manila International Container Port (CIIS-MICP) ay pinapurihan din ng bureau sa pagiging Overall Best Field Station Office matapos makamit ang P60.5 bilyon na halaga ng mga nasamsam na kontrabando at anti-social goods.

Show comments