MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkadismaya si dating Philippine National Police chief at ngayo’y Senador Bato dela Rosa kaugnay ng muling paglaganap ng bentahan ng iligal na droga sa bansa matapos ang termino ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
“Ang daming tao na nagsasabi na nagpapasalamat sila sa war on drugs dahil safe na ‘yung kanilang environment. So, for us, it’s a great success,” pahayag ni Dela Rosa matapos ikumpara ang drug war noong panahon ni Duterte kumpara sa anti-narcotics campaign ng kasalukuyang administrasyon.
Mas malala umano ang sitwasyon ng droga sa ngayon kumpara sa nagdaang administrasyong Duterte.
“Malala! Tanungin mo ang mga barangay kapitan, pumunta ka. Pumunta ka do’n sa ground…Wala kang maririnig na barangay kapitan na magsabi na, ‘Sir, okay ang aming sitwasyon sa drugs. Perfect na, wala nang problema,” saad ni Dela Rosa.
“Halos lahat magsasabi sa’yo [kahit] hindi nga natin tinatanong eh, lalapit sa atin at magsusumbong. ‘Sir, andiyan na naman sila, Sir. Nagkakalat na naman. Noon nagsipaglayasan ‘yan, nagsipagtago. Ngayon, andiyan nanaman, parang candy nanaman na binebenta ‘yung drugs sa kalsada,” sambit pa niya.
Sa nagdaang administrasyon, sinabi ni Dela Rosa na 1.6 milyon indibidwal na sangkot sa droga ang sumuko at mahigit 300,000 naman ang inaresto.
Binigyang-diin pa ng senador na kailangan ang full support ng Pangulo sa mga alagad ng batas para maging matagumpay ang kampanya laban sa iligal na droga.