MANILA, Philippines — Pinaghahanap na ngayon ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pito nilang ahente na may kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention.
Batay sa inilabas na impormasyon, kahapon ay nagpalabas ng warrant of arrest si Judge Ronald August L. Tan, ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) branch 297 laban sa mga suspek na sina alyas Bacolod, Esteban, Galutera, Paasa, Flores, Mateo, at Ramos, pawang nakatalaga sa PDEA Region 3.
Ayon sa PDEA, aktibo pa rin umano ang mga nasabing suspek subalit sumasailalim ang mga ito sa kasong administratibo para sa resolusyon.
Hindi pa umano maituturing na absent without official leave ang mga nabanggit dahil kailangan pa nila ang 30 working days bago ideklarang AWOL.
Hindi naman ipinaliwanag ng PDEA ang kidnapping na umano’y kinasasangkutan ng kanilang ahente dahil nangangalap pa umano sila ng mga detalye sa operasyon.
Kasabay nito, hinimok ng PDEA ang publiko sa sinumang nakakakilala o may impormasyon sa kinaroroonan ng mga nasabing PDEA agent na maaaring ipagbigay-alam lamang sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.