MANILA, Philippines — Kahit may suspension order mula Malacañang at DILG ay kapit-tuko sa posisyon sina Urdaneta City Mayor Julio Rammy Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno kaugnay nang umano’y mga kasong grave misconduct at grave abuse of authority.
Sinasabi ni Mayor Parayno na hindi pa nito natatanggap ang suspension order at nakabakasyon daw siya mula January 7 hanggang January 21.
Kaugnay nito, niliwanag naman ni Pangasinan Governor Ramon Guico III, na hindi pa niya aprubado ang leave of absence ni Mayor Parayno at nagsisinungaling ito sa pagsasabing mayroon siyang aprubadong vacation leave. Ayon kay Governor Guico, nagsumite si Parayno ng vacation leave noong Enero 7 at natanggap ng kanyang tanggapan ang aplikasyon noong Enero 8 pero pinagsusumite muna niya ito ng mga sumusunod na mga requirements bago aksyunan ang inihaing vacation leave.
Magugunita noong January 3 ngayong taon, pinirmahan at nagpalabas ng 1 year suspension order laban sa dalawang Parayno si Executive Secretary Lucas Bersamin, matapos mapatunayang liable ang dalawa sa naturang mga kaso nang tanggalin sa puwesto bilang Pangulo ng Liga ng mga Barangay si Punong Barangay Michael Brian Perez noong 2022, ang complainant sa kaso na naisampa sa Malacañang.
Sinasabing walang hurisdiksyon ang mga Parayno na tanggalin si Perez bilang Liga ng mga Barangay President dahil ito ay trabaho ng Provincial Liga Office.