MANILA, Philippines — Hiniling ng isang ginang sa Professional Regulation Commission (PRC) na madaliin ang pagbawi sa lisensiya ng isang nurse ng Bureau of Fire Protection na umano’y karelasyon ng kanyang mister na isang dating opisyal ng Philippine Marine Corps.
Ayon kay Faiza Mutlah Utuali, dapat agad na tanggalan ng lisensiya si Senior Fire Officer 2 (SFO2) Reyca Janisa P. Palpallatoc dahil ang umano’y pakikiapid nito sa kanyang mister ay paglabag sa mga pamantayang propesyonal.
Binanggit niya ang mga paglabag sa Board of Nursing Resolution No. 220, Series of 2004, Republic Act No. 9173 (Philippine Nursing Act of 2002), at Board Resolution No. 425, Series of 2003.
Dismayado si Utuali sa kawalang aksyon ng PRC sa kasong isinampa niya laban kay Palpallatoc, na ngayon umano’y nagtatago sa ibang bansa.
Ayon kay Utuali, natuklasan niya ang relasyon ng kanyang asawa kay Palpallatoc noong Pebrero 2024. Si Palpallatoc, na nakapasa sa Nursing Board Exam noong 2012, ay nagtatrabaho bilang Emergency Medical Responder sa BFP, kung saan umano sila unang nagkakilala ng kanyang asawa.
Bukod sa kasong ito, may nakabinbing warrant of arrest laban kay Palpallatoc na inisyu ng Pasay City court dahil sa kasong illegal recruitment na umano’y ginawa nito sa loob ng BFP.