MANILA, Philippines — Inanunsyo kahapon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ligtas nang napalaya ang 17 Pilipinong tripulante ng M/V Galaxy Leader, isang komersyal na barko na sinamsam ng mga rebeldeng Houthi ng Yemen noong Nobyembre 2023.
Ang mga Pilipinong marino, kasama ang iba pang tripulante mula Bulgaria, Ukraine, Mexico, at Romania, ay nasa pangangalaga na ngayon ng Embahada ng Pilipinas sa Muscat, Oman. Malapit na silang makauwi upang makapiling ang kanilang mga pamilya.
Nagpasalamat si Marcos kay Sultan Haitham bin Tarik ng Oman at sa kanyang administrasyon sa matagumpay na negosasyon na nagresulta sa pagpapalaya ng mga tripulante.
Pinuri rin niya ang mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor sa Pilipinas na nagtrabaho nang walang tigil sa loob ng 429 araw mula nang makuha ang barko.
Ang M/V Galaxy Leader, isang Bahamas-flagged vessel na inuupahan ng Japan’s Nippon Yusen, ay sinamsam ng mga Houthi commando noong Nobyembre 19, 2023, at dinala sa Hodeidah, Yemen.