MANILA, Philippines — Nais ni House Deputy Majoritiy Leader at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na magpaliwanag si Chinese Ambasador to the Philippines Huang Xilian kung bakit ayaw umalis ng Chinese Coast Guard “monster ship” sa karagatan ng Zambales at ang pagka-aresto sa isang Chinese spy sa Maynila, kamakailan.
Sa isang panayam, sinabi ni Cong. Tulfo na labis-labis na ang pambabastos ng China sa Pilipinas.
“Hindi na sila nakuntento na pumasok sa ating Exclusive Economic Zone, tapos ngayon magpapadala pa sila ng espiya,” ani Tulfo.
Aniya, “I am sure alam ng Chinese Embassy yang presence ng kanilang spy sa ating bansa.”
“Dapat sagutin ni Ambassador Huang kung bakit kailangan nilang magpadala pa ng espiya sa ating bansa gayong sabi niya noon malapit na magkaibigan ang Pilipinas at China,” dagdag pa ni Tulfo.
Suhestiyon pa ng mambabatas, dapat ilapit na ng Pilipinas ang problema natin sa China sa United Nations Security Council.