MANILA, Philippines — Nagbabala kahapon ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na kakasuhan nila ang mga kandidato na gagamit ng text blasting machines para sa kanilang kampanya.
Ang pahayag ay ginawa ni DICT Secretary Ivan John Uy matapos mahuli ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang isang Malaysian national sa Parañaque City na nagbebenta ng mga ipinagbabawal na kagamitan online.
Ayon kay Uy, magmomonitor ang DICT ng paggamit ng mga text blast machines, at ang mga kandidato na mahuling gumagamit nito ay haharap sa legal na aksyon.
Ang mga makina ay ilegal, walang lisensya, at nasasakupan ng mga regulasyon ng National Telecommunications Commission (NTC).
Ibinahagi ni Uy na tumaas ang demand para sa mga text blast machines sa mga nakaraang eleksyon.
Ang Malaysian na inaresto ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Philippine Radio Stations and Radio Communications Regulation Act, SIM Registration Act, Data Privacy Act, at Cybercrime Prevention Act. — Ludy Bermudo, Doris Franche-Borja