MANILA, Philippines — Namatay noon din ang tatlong batang babae na naglalakad patungo sa paaralan nang mabundol ng isang truck mula sa likuran sa isang bahagi ng highway sa Barangay Cayaga sa San Fernando, Bukidnon nitong Martes.
Sa pahayag ng mga opisyal ng Bukidnon Provincial Police Office at ng Police Regional Office-10 nitong Miyerkules, unang iniwan ng driver ng truck, si Reynaldo Algame Camaso, ang tatlong biktima ngunit siya ay sumuko rin kalaunan sa San Fernando Municipal Police Station.
Kinumpirma ni Major Christian Serdeña, police chief ng San Fernando, na nasa kustodiya na nila si Camaso at ang Mitsubishi Fuso truck na nakabundol sa tatlong mga mag-aaral na nagsanhi sa kanilang agarang pagkamatay.
Patungo sa Cayaga Elementary School ang mga biktima nang mabangga ng truck na minamaneho ni Camaso na nakabuntot sa kanila.
Ilang mga saksi na nag-ulat sa mga imbestigador at barangay officials na mabilis ang takbo ng truck nang mahagip ang mga bata habang naglalakad sa highway sa Purok 2B sa Barangay Cayaga, patungo sa kanilang paaralan.