MANILA, Philippines — Patay ang isang construction worker nang barilin ng sinasabing buyer ng cellphone, sa Calamba, City, Laguna, bago maghatinggabi ng Lunes.
Kinilala ang nasawi na si alyas “Ronnie”, nasa hustong gulang, at residente ng ng Block 31 Southville, Barangay Kay-Anlog, Calamba City, Laguna.
Pakay naman ng dragnet operation ng Calamba City Police ang suspek na si alyas “Mark”, binata, residente ng Barangay Sirang Lupa, Calamba City.
Saksi naman ang isang “Mark Christian Punongbayan, 27-anyos, construction worker at residente ng Barangay Kay-Anlog, Calamba City.
Sa ulat, alas-11:20 ng gabi ng Enero 20 nang maganap ang insidente sa kalye Majada-in Housing sa Barangay Canlubang, Calamba.
Sa imbestigasyon, ikinuwento ng saksi na nakontak niya ang suspek na si Mark para ibenta ang cellphone niya at iniabot sa biktima upang dalhin nila sa napagkasunduang lugar.
Magkasama ang saksi o may-ari ng cellphone sa pagtungo sa nasabing lugar.
Nang magkaharap ay ipinakita umano ng biktima ang cellphone at walang sabi-sabi pinaputukan ng baril ng suspek.
Itinawag ang insidente sa Nuvali outpost na rumesponde sa insidente subalit nakatakas na umano ang suspek sakay ng Yamaha Mio habang duguang nakahandusay na dinatnan ang biktima sa tabi ng isang kulay pulang Honda Wave na may plakang 5578 WQ.