MANILA, Philippines — Kumpirmadong patay sa sunog ang isang magtiyuhin sa Tondo, Maynila sa kasagsagan ng Kapistahan ng Sto. Niño nitong Linggo ng hapon.
Hindi na pinangalanan ang tiyuhin na nagkaka-edad ng 57-anyos, at pamangking babae, na 42-anyos.
Nabatid na nasugatan din naman sa sunog ang may-ari ng tahanan na si Joseph Pua.
Lumilitaw sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), na inilabas lamang kahapon ng madaling araw, na sumiklab ang sunog, alas-4:39 ng hapon sa tatlong palapag na tahanan na pagma-may-ari ng pamilya Pua at matatagpuan sa Barrio Menu, Tondo, Manila.
Ayon sa mga barangay officials sa lugar, kaagad naman umanong nagtulong-tulong ang mga residente para maapula ang apoy ngunit naging mabilis ang pagkalat nito dahil gawa umano ang tahanan sa light materials.
Sinabi ni Joel Pua, anak ng lalaking biktima, na kasalukuyan silang nasa ikatlong palapag ng tahanan ng sumiklab ang sunog
Nakababa na umano sila ng bahay ngunit bumalik pa ang ama sa loob upang sagipin ang kanyang naiwang pinsan.
Gayunman, maging ito ay sinawimpalad na ma-trapped na rin sa sunog.
Nang maapula ang apoy, dakong alas-5:34 ng hapon ay dito na nadiskubre ang bangkay ng magtiyuhin.
Inaalam pa ng mga otoridad ang sanhi ng sunog.