Mga pulitiko pinadidistansya sa ‘AKAP distributions’

MANILA, Philippines — Kasabay sa paggigiit na hindi siya tutol sa pamamahagi ng tulong sa mga indibidwal o pamilya na tunay na nangangailangan, binigyan-diin ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na dapat hayaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gawin ito, kabilang ang pagpapatupad ng AKAP (Ayuda sa Kapos ang Kita Program) at iba pang social aid programs ng pamahalaan.

Ayon sa Mindanaoan lawmaker, kailangang ang naturang ahensiya lamang ang mamahala sa distribusyon ng mga ayuda at hindi umano dapat ito hawakan ng mga politician.

Babala ni Dela Rosa, ang AKAP at iba pang social assistance programs ng gobyerno ay maaaring gamitin para sa pagkuha ng boto partikular ngayong nalalapit na 2025 national at local elections.

“Kung tutuusin sana, kung out of the picture ang pulitiko dyan, totally ha, let the DSWD do it, distribute it-- that is go­vernment’s money, that is people’s money, ibigay ‘yan sa taumbayan– then without the presence of the politicians, without the politicians’ intervention, napakaganda sana,” pahayag pa ng senador.

“Pambili ng boto ‘yan. Ano pa ba ang isipin natin... Talagang ginawa ‘yan ng House of Representatives for their own consumption, for whatever kung anong gusto nilang gawin, pero DSWD pa rin ang nag-iimplement... I strongly oppose that particular item in the budget,” dugtong niya.

Sinabi ng dating naging hepe ng Philippine National Police (PNP) na walang problema sa kanya kung hindi mabibigyan ang kanyang opisina ng alokasyon para sa AKAP mula sa bilyong-bilyong halaga na inalaan dito sa ilalim ng 2025 national budget.

Show comments