70-anyos lola ni-rape/slay sa sementeryo

MANILA, Philippines — Isang 70-anyos na lola ang pinagnakawan, pinatay at pinaniniwalaang “ginahasa” pa ng tatlong suspek sa loob ng isang musuleo sa Sorsogon City Public Cemetery, sa Mons Barlin St., Brgy. Almendras, East District, Sorsogon City, Sorsogon kamakalawa ng umaga.

Nakataas ang damit pantaas, wala nang pang-ibabang suot at may sugat sa kaliwang bahagi ng ulo nang matagpuan na nakatihaya sa loob ng isa sa musuleo ng sementeryo ang biktima na itinago sa pangalang “Berna”, dating overseas Filipino worker. Natagpuan  sa ‘di kalayuan ang isang bato na may dugo na posibleng ginamit sa pamamaslang sa lola.

Sa tulong ng mga saksi ay nakilala ang tatlong suspek at dalawa sa kanila ang mabilis na naaresto habang tinutugis ang isa pa.

Sa ulat, alas-7:20 ng umaga isang residente ang napadaan sa sementeryo at nagulat nang nakita ang walang malay na matanda sa loob ng mausoleum at agad ipinagbigay alam sa mga opisyal ng barangay at pulis.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na posibleng inabangan ang matanda na naningil ng mga pautang at pinaniniwalaang hinatak ito papasok sa loob ng sementeryo pinagnakawan at pinatay. Isinailalim na sa autopsy ang bangkay at inaalam kung nagahasa rin ito.

Show comments