Hinoldap na Korean Bitcoin Trader nasagip
Lamborghini tinangay
MANILA, Philippines — Nasagip ng mga otoridad ang isang Korean national na isang Bitcoin Trader habang palakad lakad na nakagapos ang mga kamay sa Barangay Mayasang, Lemery, Batangas, kamakalawa.
Kinilala ang biktimang si Taehwa Kim, Korean national, 40-anyos, Bitcoin Trader at residente ng Lincoln Tower Makati City.
Sa ulat, ala-1:30 ng madaling araw nang matagpuang palakad lakad Kim na tulala sa kahabaan ng kalye na sakop ng nasabing barangay.
Sa salaysay ng biktima sa pulisya, Enero 15 ay may maka-deal itong buyer ng kaniyang Lamborghini Urus na may plate number NFA 9988 na si alyas JC.
Nagkasundo sila na magtagpo sa condominium ng biktima at pagdating sa condo ay hiniling ng suspek nai- test drive ang nasabing sasakyan at nagsabi umano na dumaan sa Lasema Jim Spa dahil nandoon umano ang abogado nito.
Nang nasa parking area na ng nasabing spa may 3 lalaki ang dumating at sapilitang isinakay ang biktima sa isang sasakyan na kasama si alyas JC.
Habang nasa loob ng sasakyan ay iginapos ng mga suspek ang biktima at tinakpan din ang mga mata nito at kinuha ang Rolex watch, BDO Atm, susi ng condominium at susi ng sasakyan nito.
Sa pag-uusap umano ng mga suspek, narinig umano nito na dadalhin siya sa Antipolo City.
Tatlong araw umano ang lumipas muli siyang isinakay ng mga suspek at ilang oras ding paglalakbay bago ito ibinaba sa kahabaan mg Diokno Highway kung saan na ito nakitang palakad- lakad at nakarating sa nasabing lugar.
- Latest