MANILA, Philippines — Lubos na nagpapasalamat si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo sa Committee on Children Welfare matapos lumusot na ang isinusulong na batas para patawan ng mas mabigat na parusang kulong ang mga magulang o tatay na ayaw sustentuhan ang kanilang mga anak.
Nasa Committee on Appropriations na ang House Bill 8987 o ang “An Act Ensuring Child Support and Penalizing Parental Refusal or Neglect Thereof” para pag-aralan kung magkanong pondo ang kakailanganin para makapagtatag ng isang opisina sa DSWD na mangangasiwa sa implementasyon ng batas.
“Kailangang kailangan na natin itong batas na ito. Kailangang maparusahan ang mga tatay na ayaw bigyan ng suporta ang kanilang mga anak lalo na kapag iniwan na niya ang kanyang pamilya”, ayon sa pahayag ni Tulfo.
Ang naturang panukalang batas ay inihain ni Tulfo noong Agosto 2023, katuwang ang kanyang mga kasamahan sa ACT-CIS partylist na sina Reps. Jocelyn Tulfo, at Edvic Yap; Benguet Cong. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo.
Panukala ng mga mambabatas ang hanggang anim na taong pagkakulong sa mga “deadbeat” father na ayaw panagutan ang kanilang mga anak.
Napagkasunduan naman sa mga pagdinig na ang ibibigay na suporta ng tatay sa kanilang anak ay depende sa pangangailangan ng bata. Aatasan ng batas na ang DSWD sa pakikipagtulungan ng NEDA ang silang magtatakda kung magkano ang ibibigay na suporta ng ‘deadbeat’ father sa kanilang anak.