Manila Mayoralty race, inilabas – survey
MANILA, Philippines — Habang papalapit ang 2025 elections, umiinit ang labanan sa politika sa Lungsod ng Maynila na pinangungunahan ng tatlong pangunahing kandidato na sina dating Mayor Isko Moreno, kasalukuyang Mayor Honey Lacuna, at Congressman Sam Versoza.
Batay sa inilabas ng HKPH Public Opinion and Research Center, kasama ang Hong Kong-based Asia Research Center, ang pinakabagong resulta ng kanilang independent at non-commissioned survey.
Nangunguna si dating Mayor Isko Moreno na may 46% voter preference, na nagpapakita ng kanyang patuloy na kasikatan kahit matapos ang kontrobersyal niyang pagtakbo sa pagkapangulo noong 2022. Sumusunod naman si Mayor Honey Lacuna na may 31% ng suporta mula sa mga botante. Matapos niyang maitalaga bilang alkalde mula sa pagiging bise alkalde, tutok si Lacuna sa paglutas ng mga suliraning panglungsod at pagpapanatili ng kaayusan.
Sa patuloy na paglakas ng kanyang kampanya, tiwala ang kanyang kampo na maaari pang humabol sa resulta. Samantala, si Congressman Sam Versoza, baguhan sa politika ng Maynila, ay nakakuha ng 15% voter preference. Kilala siya sa makabago niyang kampanya at malakas na koneksyon sa mga kabataang botante.
Ayon sa survey, 8% ng mga respondent ang nananatiling undecided, na nagbibigay-diin sa pagiging hindi tiyak ng resulta ng eleksyon.
Ayon kay Steven Su, program director ng HKPH-ARC, mahalaga ang papel ng mga undecided voters. “Wala pang kandidato ang nakakuha ng mayorya, kaya’t napakahalaga ng desisyon ng mga undecided voters sa magiging resulta,” ani Su.
Ang survey ay isinagawa sa 1,800 rehistradong botante mula sa anim na distrito ng Maynila, gamit ang randomized sampling method, at may margin of error na ±2%.
Nagbibigay ito ng malinaw na larawan ng damdamin ng mga botante habang papalapit ang mahalagang electoral milestone ng lungsod.
- Latest