79-anyos ama, bugbog sarado sa anak
MANILA, Philippines — Isang lalaki na hinihinalang lango sa ipinagbabawal na gamot ang inaresto ng awtoridad matapos nitong gulpihin ang 79-anyos na ama sa Cainta, Rizal, Biyernes ng gabi.
Sasampahan ng reklamong physical injury at alarms and scandal ang suspek na si alyas “Aris”, 47-anyos, residente ng Javier Sty., Barangay San Juan, Cainta, Rizal.
Sa ulat ng Cainta Municipal Police, dakong alas-8:00 ng gabi ng Enero 17 nang maganap ang panggugulpi ng suspek sa ama na kinilalang si alyas “Panlito”, isang retiradong kawani ng gobyerno sa loob ng kanilang bahay.
Sa imbestigasyon, habang kumakain ng hapunan ang biktima at maybahay nito nang dumating ang naghuhuramentadong anak na nasa impluwensya umano ng iligal na droga.
Binugbog umano ng suspek ang ama kaya nagpasaklolo na sa mga opisyal ng barangay.
Sa pagresponde naman ng mga pulis, nadatnan pa nila ang suspek na nagwawala habang malakas ang mga sigaw na nagdulot ng takot sa mga residente, kaya siya binitbit sa presinto.
- Latest