MANILA, Philippines — Pabor si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maituro ang sexuality education sa mga paaralan.
Sa isang ambush interview, sinabi ng Pangulo na dahil sa dumadaming kaso ng teenage pregnancy, dumadaming single mother at maging ng mga sakit na may kaugnayan dito, mahalaga na maituro ito sa mga paaralan.
Kasama na rin aniya sa usaping ito na pagka-teenager ang nanay ay hindi marunong mag-alaga ng bata at maging kanilang sarili kapag nabuntis na sila, maging ang kakainin at ipapakain sa bata.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na ito ang mga usaping dapat tugunan kaya ang pagtuturo nito sa mga paaralan ay napakahalaga.
Maliban dito, dapat rin aniyang magkaroon ng kaalaman ang mga kabataan sa mga opsyon na available at kung ano ang kakahinatnan at mga epekto nang pagkakaroon ng anak ng masyadong maaga.