MANILA, Philippines — Inaresto ng Bureau of Customs at Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (BOC-IADITG) ang dalawang South African passenger dahil sa pagdadala ng 14,396 gramo ng methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na ‘shabu’na natagpuan sa kanilang naka-check-in baggage noong Huwebes, pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Sa ulat ni NAIA Customs assistant deputy collector for passenger services Mark Almase kay BOC Port of NAIA District Collector Yasmin Mapa, nakilala ang dalawang dayuhan na sina Ondine Louise, 44; at John Edward, 73 na parehong dumating sakay ng Emirates Airlines flight EK 334 mula sa South Africa via Dubai.
Batay sa report, nakita ng mga tauhan ng X-ray Inspection Project ang mga kahina-hinalang ‘image’ na lumabas sa x-ray monitor nang idaan sa scanning machine ang bagahe nina Louise at Edward na naging dahilan upang magsagawa ng masusing pagsusuri ang mga otoridad.
Sinabi ni Almase na natagpuan mula sa pag-iingat ng mga suspek ang iligal na droga na umano’y may street value na P97,892,800.00 na nakatago sa loob ng kanilang mga bagahe na nakabalot ng black tape at foil hide sa isang kahon ng mga biskwit at libro at inilagay sa isang tagong compartment.