MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Mandaluyong City Police na hindi menor de edad at hindi rin miyembro ng anumang sindikato ang isang babaeng sampaguita vendor na itinaboy at sinipa kamakailan ng isang guwardiya ng mall.
Ayon kay Mandaluyong City Police chief PCol. Mary Grace Madayag, mismong ang barangay, kung saan nakatira ang babae ang nagpatotoo na siya ay tunay na isang estudyante.
Sa katunayan umano ay matalino ito dahil iskolar pa aniya ito ng isang pribadong institusyon.
Nagtitinda lamang aniya ito ng sampaguita pagkagaling sa eskwela upang makabili ng pangangailangan sa eskwela, lalo na at kade-demolish lang ng tahanan nito sa Quezon City.
Natunton na rin umano nila ang bata, na 18-anyos na pala, at nakumpirma dito na siya ay isang medical technology student.
Matatandaang nag-viral ang isang video kung saan makikitang pinaaalis ng guwardiya ang isang batang naka-school uniform dahil sa pagkakaupo nito sa hagdan ng SM Megamall sa Mandaluyong City.