MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kasama si National Housing Authority General Manager Joeben Tai, ang pagkakaloob ng 3,517 mga pabahay sa mga pamilyang biktima ng bagyong Yolanda sa ginanap na seremonya sa Burauen Community College, at nagsagawa rin sila ng inspeksyon sa Cool Spring Residences, Brgy. Arado, Burauen, Leyte.
Ang mga iginawad na housing unit ay matatagpuan sa Cool Spring Residences, Riverside Community Residences, Mont Eagle Ville Subdivision, Coconut Grove Village, Dagami Town Ville, at Pastrana Ville, lahat sa Leyte; sa Marabut Ville Sites 1 at 2, sa Samar; at sa Culaba Housing Project sa Biliran.
Ipinatupad sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Program (YPHP) ng NHA, ang mga loteng may pabahay na iginagawad bilang grant o libre para sa mga kwalipikadong pamilya na lubhang naapektuhan ng bagyo.
Binigyang-diin ng Pangulong Marcos ang kahalagahan ng mga proyekto sa kapakanan at kaligtasan ng mga benepisyaryo at hiniling din sa DHSUD at NHA na ipagpatuloy ang pagbibigay prayoridad sa pagbuo at pagpapatupad ng mga disenyong angkop sa climate change sa kanilang mga proyekto.
Sa kabilang banda, binigyang-diin ni GM Tai na ginagawa ng NHA ang lahat ng pagsisikap nito upang tapusin ang mga natitirang proyekto sa pabahay sa ilalim ng YPHP.